Mag-asawa Sa Cebu, Kinagiliwan Ng Mga Netizens Dahil Sa Nakakatuwa Nilang Pre-nup Photoshoot
Naging parte na ng ating kultura bilang mga Pilipino ang pagiging maparaan at sa halos lahat nga ng bagay na nangyayari sa ating buhay ay nahahanapan kaagad natin ito ng solusyon. Sa katunayan kahit pagdating sa pagpapakasal ay mayroong nakakatuwang naiisip ang mga magkasintahan kung papaano nila mapapaganda ang kanilang pag-iisang dibdib ng hindi gaanong gumagastos.
Isang halimbawa na dito ang magkasintahan na nagmula pa sa Cebu. Nakilala sila bilang sina Chayne at Warren Cortes na nakatira ngayon sa Lapu-Lapu City. Naging viral sila sa social media matapos ibahagi ang pre-nup photoshoot na talaga namang nakaka-aliw at kakaiba ang konsepto. Paano naman kasi sa halip na glamorosang pictorial kung saan suot ang naggagandahang gown o suit ay isang simpleng photoshoot ang ginawa ng dalawa.
Nagkasama sina Chayne at Warren sa loob ng mahigit 16 years at sa loob ng panahong ito ay marami na silang naranasan at pinagdaanan kaya naman ito ang naisip nila na konsepto para sa kanilang prenup photoshoot.
Suot ang mga simpleng damit na karaniwan nilang gamit araw-araw ay ipinakita nila kung papaano ang buhay ng isang mag-asawa. Magkatuwang ang dalawa sa lahat ng mga gawaing bahay tulad nalang ng pagluluto, paglalaba, paghuhugas ng plato pati na rin pagdating sa paglilinis.
Isinama rin ng dalawa ang kanilang mga anak at alagang aso sa isang memorableng pictorial. Makikita din sa mga larawang ibinahagi kung papaano sila nagkukulitan at masayang nagsasalu-salo bilang isang pamilya. Ayon kay Chayne mas gusto nilang makita ng kaniyang partner na true to life ang kanilang prenup pictures para natural lang din ang dating nito.
Marami ang nakarelate sa mag-asawa at umani nga ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.
Hindi nga basehan ang bonggang handaan o sosyal na photoshoot para masabing tunay na nagmamahalan ang dalawang magkasintahan dahil ang tunay na pag-ibig ay maari ring maipadama kahit sa simpleng gawa at pananalita.
No comments