Isang Netizen, Nailipat Ang Buong Pamilya Sa Kanilang Dreamhouse Mula Sa Barong-Barong Na Dating Kulungan Ng Baboy
Saksi ang karamihan sa ating kababayan kung gaano kahirap ang buhay lalo na kung wala kang maayos na trabaho. Sa ayaw at sa hindi ay napipilitan silang dumiskarte para maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ganito ang kwento ng isang netizen na naging viral sa social media matapos niyang maiahon ang pamilya mula sa hirap ng buhay.
Ayon sa kwento ni Raymond Soledad, nanirahan sila noon ng kanyang misis sa isang barong-barong na dating kulungan ng baboy. Nilinis at inayos nila ito para magmukhang bahay at kahit na mahirap ang kanilang sitwasyon ay nagtiis ang dalawa dahil wala naman silang pera na pambayad ng renta.
Buntis pa noon ang asawa ni Raymond kaya talaga namang sinisiguro niya na kahit ganoon lang ang kanilang bahay ay maging komportable pa rin ito sa kanyang mag-ina. Naglagay siya ng insulator sa bubong para maharangan ang init ng araw dahil wala itong maayos na kisame.
“Share ko lang po kahit nakakahiya. Nagsimula kami ng misis ko dito sa maliit na barong-barong (6 sqm.) kulungan po ito ng baboy.” pagbabahagi niya.
Halos isang taon rin na ganito ang kanilang sitwasyon at hanggang sa manganak ang kanyang misis ay doon pa rin sila nakatira. Hindi nga makalimutan ni Raymond ang isang gabi na sobrang lakas ng ulan ay nasira ang kanilang bubong at nalaglag ang inilagay niyang insulator kasama ang mga daga na nanirahan na doon.
Awang-awa siya sa sitwasyon ng kaniyang mag-ina at kahit na basang-basa na ay inasikaso niya ang pag-aayos ng tolda para hindi mabasa ang kanilang baby. Sa kabutihang palad ay pareho silang nakahanap ng trabaho ng kaniyang misis at unti-unting naka-ipon para sa kanilang dreamhouse.
“Nakaipon po kami nun nagtipid po kami at kahit pandemic tuloy yung work namin. Hanggang mawala na sya sa work ako po tuloy parin sa trabaho ko pero may naipon napo kami 250k nun. Yung 50k po pinang down namin sa lupa 25 sqm. na binili ko lang po sa tita ko at yung 200k po pinag umpisahan na namin sa pag gawa ng bahay.”, dagdag pa ni Raymond.
Dahil nga sa pagtutulungan nilang mag-asawa ay nakamit nina Raymond ang pinapangarap na sariling bahay. Sa ngayon ay maayos na ang buhay nilang mag-anak at hindi na rin natatakot na baka isang gabi ay mabasa sila ng ulan habang natutulog.
No comments