Binatang Pedicab Driver, Natupad Ang Pangarap Na Makapagtapos Ng Kolehiyo
Padyak lang ng padyak, halos ganito ang araw-araw na ginagawa ng isang binatilyo upang maisakatuparan ang pangarap niya na balang araw ay makapagtapos ng kolehiyo at tuluyang maging pulis.
Nakilala siya bilang si Manuel Valiente Reyes Jr. 23-anyos at siya ang panganay na anak sa kanilang magkakapatid. Bata pa lang ay namulat na siya sa hirap ng buhay lalo na nang pumanaw ang kaniyang ama noong 2018. Ito rin ang isa sa mga naging dahilan kung bakit kinailangan ng kaniyang ina na lumuwas ng bansa at magtrabaho bilang isang OFW sa Oman.
“Bawat padyak iniisip ko ang sakripisyo ng aking ina at ang kalagayan ng aking mga kapatid.”, pagbabahagi ni Manuel sa social media.
Sa kabila ng pagtatrabaho abroad ay hindi pa rin nagiging sapat ang kinikita ng kaniyang ina para sa gastusin ng buo nilang pamilya kaya naman bilang panganay sa apat na magkakapatid ay nagsumikap rin si Manuel na makatulong.
Nakahanap siya ng pagkakataon na makapagmaneho ng isang pedicab at dahil online naman ang kaniyang klase ay nagagawa niya itong pagsabayin.
Maagang nagigising si Manuel para asikasuhin ang kaniyang mga kapatid at makinig sa kanilang online class. Sa hapon naman siya nagtutuloy sa pagpadyak at minsan ay inaabot ng hanggang ala sais ng gabi.
Pagkauwi sa bahay ay doon niya naman tatapusin ang mga school requirements. Nakakapagod man ang ganitong gawain ay mas lalong naging masipag ang binata dahil alam niya na konting panahon nalang ay malapit na rin siyang magtapos.
Kumuha si Manuel ng kursong Bachelor of Science in Criminology sa isang unibersidad sa Pili, Camarines Sur at dahil sa kaniyang sipag at tiyaga ay napabilang siya sa listahan ng mga estudyante na nagtapos. Abot-langit nga ang saya ng binata at ang tagumpay na ito ay alay niya sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Samantala, hindi dito natitigil ang pangarap ng binata at plano niyang makapasok sa PNP upang tuluyan ng matupad ang kagustuhan na maglingkod sa bayan bilang isang pulis.
No comments