Breaking News

“Biyaheng Tagumpay” Isang Pedicab Driver, Nakapagtapos Ng Kolehiyo Bilang Magna Cum Laude!

Sa takbo ng ating buhay ay hindi maiiwasan na makaranas tayo ng mga sitwasyong susubok sa ating katatagan at determinasyon sa pag-abot ng ating mga pangarap. Sa katunayan, ang mga pagsubok na ito ang nagiging daan para mas lalo nating madama ang sarap at saya ng tagumpay katulad nalang ng isang pedicab driver na nagmula sa Mindanao.

Source: GMA

Siya ay walang iba kundi si Jerson Aboabo at para sa kaniya ay mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon. Kaya naman kahit na mahirap ang pinagdadaanan sa buhay ay hindi siya nawalan ng pag-asa at nagsumikap na makapag-enroll.

Sinubukan ni Jerson ang lahat ng mga bagay na pwede niyang gawin para kumita ng pera kagaya nalang ng pagtitinda ng kung anu-ano, pagiging tutor at kapag mayroong nangangailangan ng kaniyang tulong ay sumasabak din siya sa ilang writing commissions. Nakatulong ang mga ito para matustusan ang kaniyang baon sa school pati na rin ang pambayad sa ilang projects at requirements.

Source: GMA

Samantala noong tumuntong siya ng senior high school ay naisipan ni Jerson na dagdagan pa ang kaniyang “raket” at namasukan nga bilang “sikad-sikad” o pedicab driver. Ginagawa niya ito kapag walang klase tulad ng weekends at holiday at dahil nga dito ay mas marami pa siyang na-inspire na mga kabataan.

“Kailangan pong kumayod sa murang edad dahil gusto ko lang po talagang makapagtapos ng pag-aaral. Ginagawa ko po ito after ng klase ko o hindi kaya tuwing holidays, at every Saturday.”, kwento ng binata.

Hindi nga nauwi sa wala ang pagsusumikap na ginawa ni Jerson dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makapag-enroll sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Education, Major in Filipino. Kung masipag nga ito sa paghahanap ng mga “raket” ay dobleng sipag ang ginawa niya sa pag-aaral kaya hindi nakakapagtaka na siya ang hinirang na Magna Cum Laude ng kanilang klase!

Source: GMA

Maliban sa kaniyang academic achievemet ay natanggap din ni Jerson ang College Leadership Award at Department Leadership Award na iginawad sa kaniya ng kanilang unibersidad.

Talaga namang “biyaheng tagumpay” itong si Jerson na sa kabila ng hamon ng buhay ay patuloy lang na pumapadyak patungo sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap.


No comments