Herlene Budol, Emosyunal Nang Makita Ang Kaniyang 3D LED Billboard Sa EDSA!
Hindi maikakaila na isa si Herlene Budol sa mga kilalang personalidad ngayon at ang kaniyang kwento ay talaga namang naging inspirasyon sa ating mga kababayan. Muli niyang pinatunayan na hindi imposible ang pag-abot sa ating mga pangarap at ang isa sa mga susi dito ay ang pagiging determinado at hindi kaagad pagsuko kahit na maraming pinagdadaanang pagsubok.

Laki sa hirap si Herlene kaya naman ganoon nalang ang kagustuhan niya na makaranas ng ginhawa sa buhay. Dahil dito ay ginawa niya ang lahat para kumita ng pera at nabigyan nga ng pagkakataon na makapasok sa “Wowowin”. Una siyang naging contestant sa nasabing game show at nadiskubre ang kaniyang angking talento sa pagpapatawa hanggang sa kuhanin siyang isa sa mga regular host ng show kasama si Kuya Wil.

Dito na nag-umpisa ang pagsagot sa mga panalangin ni Herlene at unti-unti niyang natulungan ang kaniyang pamilya. Ngunit hindi ito nakalagpas sa mga pagsubok at muli ngang nawalan ng trabaho. Sa kabutihang palad ay hindi siya sumuko at mas lalo pang nagpursigi sa paghahanap ng mga oportunidad na magiging daan sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap.

Napasali siya sa Binibining Pilipinas at tiniis ang mahihirap na trainings dahil na rin sa kagustuhang makabangon muli at mas lalo pang makilala ang sarili. Marami ang nagulat sa “glow up” ng dalaga at ang dating Herlene na pinagtatawanan lang nila noon, ngayon ay tinitingala na dahil sa kaniyang mga awards na nasungkit sa pageant. Lubos rin siyang hinangaan ng marami dahil kahit na naging successful na ay nananatili pa rin siyang mapagpakumbaba.

Sunod-sunod ang kaniyang mga natanggap na blessings tulad nalang ng mga endorsements at ilang projects. Sa katunayan, dahil sa kaniyang natanggap na award noon sa Binibining Pilipinas na “JAG Queen” ay bida siya ngayon sa bagong 3D LED billboard ng JAG jeans sa EDSA!

“Dream to reality. Makikita niyo na ang First Biggest 3D LED Billboard in the Philippines along Edsa.”, pagbabahagi ni Herlene sa social media.
Sa billboard ay makikitang nakasuot siya ng kulay asul na JAG jeans at habang magiliw itong rumarampa ay agad naman napalitan ang kaniyang outfit at naging kulay asul na gown.

Isa nga itong malaking achievement para kay Herlene ngunit umpisa pa lang ito ng kaniyang pag-angat bilang isang celebrity lalo na at ngayon ay padami na ng padami ang kaniyang mga fans na sumusuporta at naniniwala sa kaniyang mga kakayanan.
Post Comment
No comments