Ina Raymundo, Laking Pasasalamat Sa Taxi Driver Na Nagsauli Ng Cellphone Ng Kaniyang Anak

Mayroong mga pangyayari sa ating buhay na talaga namang hindi natin malilimutan. Kadalasan, ang mga ito ay nag-iiwan ng magagandang alaala na nagsisilbing inspirasyon upang magpatuloy tayo sa paggawa ng mabuti lalo na sa ating kapwa. Kagaya nalang ng nangyari sa pamilya ni Ina Raymundo.

Kakapasok pa lang noon ng taong 2023 at isang nakakabiglang balita na kaagad ang sumalubong sa pamilya ng aktres. Isang tapat na taxi driver ang pumunta mismo sa kanilang lokasyon para isauli ang naiwang cellphone ng kaniyang anak na si Jakob. Nakilala siya bilang si Michael Dungan at agad siyang gumawa ng paraan para maibalik ang gamit na natagpuan sa kaniyang sasakyan.

Ayon sa kaniya, inaantay niya noon na may tumawag sa numero ng cellphone at mayroon ngang nag-reach out na isang batang babae. Nagpakilala itong kapatid daw ni Jakob ngunit dahil English ang gamit na wika ay hindi rin sila nagkaunawaan ng mabuti. Maya-maya pa ay may tumawag na naman na bagong numero at mayroon itong nakalagay na “Mom”. Sinagot kaagad ito ni Michael dahil inisip niya na Nanay ito ng kaniyang pasahero at laking pasasalamat niya dahil nagsasalita ito ng tagalog.

Kinaumagahan, pinuntahan niya ang address na ibinigay ng babaeng kausap niya sa telepono at laking gulat niya dahil namumukhaan niya ang babae na papalapit sa kaniya.

“Sabi ko sa sarili ko, artista to. Ang ganda nito.”, kwento pa ni Michael.

Nang malapitan na nga ay nakilala niyang si Ina Raymundo ang kaniyang kausap at siya pala ang nanay ng kaniyang pasahero. Ayon pa sa kwento ni Michael, cellphone mismo ni Jakob ang ginamit niya para mahanap ang lokasyon nito noong nagpapahatid ngunit nakalimutan na itong kunin ng binata at hindi na rin niya kaagad napansin.

Abot langit naman ang pasasalamat ng aktres dahil sa ipinakitang katapatan at kabutihang loob ng taxi driver dahil talaga namang gumawa ito ng paraan para maibalik ang cellphone ng kaniyang anak.

“Maraming salamat Mike, driver ng RMJJ taxi! My son left his cellphone in his car but he returned it to us…Pinaganda mo ang pagpasok ng 2023 namin.”, saad ng aktres.

Syempre hindi na rin pinalagpas pa ni Michael ang pagkakataon na makapagpa-picture sa kaniyang idolo at dahil nga sa insidenteng ito, parehas sila ni Ina Raymundo na nagkaroon ng isang magandang alaala.


No comments